May girlfriend akong naiwan dito sa Pilipinas noon, si Richelle. Sa unang bahagi ng pagklase ko sa Madison, panay pa ang tawagan namin, ngunit nang lumaon, dahil na rin sa laki ng gastos ng long distance calls, naging minsanan na lang. Isang gabi, buwan ng Nobyembre, nakatanggap ako ng text message mula kay Richelle: ‘pls call, important.’
Tinawagan ko siya at dagli namang sumagot.
“Hon, what’s the matter?”
Ilang saglit na hindi muna siya umimik. Nasundan ito ng marahang hikbi, saka lamang siya nagsalita.
“Vic, our distance is killing me. I love you and I care for you. I’m proud of you, but I think this isn’t working…”
Nabigla ako sa mga sinabi ni Richelle. Buong akala ko’y maayos ang aming relasyon. Tatlong taon na rin kasi kami; yun nga lang, nasanay kaming magkasama.
“Hon, I’m really sorry that I’m making you feel that way. I’ts just that nandito na ako e. I feel helpless I can’t be with you now. I’m just asking you to hold on, please.”
“I can’t promise, ok? Siguro, pag bumalik ka na lang.”
“Please, hon…”
Sa kabilang linya, narinig ko na lang ang busy tone. Mapait, lalo na’t wala akong magawa sa milya-milyang agwat ng Madison at Maynila. Hindi ako nakatulog nang gabing iyon.
Minsa’y kumatok si Jihye upang magtanong kung kumain na ako. Sinabi kong kumain na ako ngunit ang totoo ay wala talaga akong gana dahil sa nangyari sa amin ng girlfriend ko.