Pikit-matang ninamnam ko ang labis na lambot ng kanyang mga labi. Halatang hindi sanay si Jihye sa paghalik; halatang ginagaya niya lang ang paghalik ko. Ngunit damang-dama kong gustung-gusto niya ang ginagawa namin.
Sinapo ko ang kanyang mga pisngi at buong pagnanais na pinagpatuloy ko ang walang-patid na paghalik sa kanyang mga labi. Puwedeng sabihing kay Jihye ang pinakamasarap na karanasan ko sa halik. Pagkaraan ng ilang saglit, naghiwalay ang aming mga labi. Ipinatong muli ni Jihye ang kanyang ulo sa aking braso. Tiningnan ko siya, nakatingin siya sa dingding, bahagyang naramdaman ko ang marahang panginginig ng kanyang mga labi.
“Ji, I’m sorry…” katulad ng maraming lalaki sa ganitong pagkakataon, ibig kong humingi ng paumanhin. Nadarang ako ng apoy.
Ayokong isiping dahil na rin sa sakit na nararamdaman. Palagay ko, hindi; dahil naniniwala ako na kahit sa sitwasyon ko’y posible pa ring magkagusto ako sa aking kasama. Maganda si Ji. mabait, walang kapintasan, mabuti ang kalooban.
“Vic,” marahan siyang nagsalita, “it was my first kiss…”
“Oh, God…” naghahalo ang mga damdamin sa dibdib ko. Maaaring magsaya ako dahil akin ang unang halik ng napakagandang Koreanang kasama ko. Ngunit maaari rin aking malungkot dahil sa wari ko’y pinagkaitan ko siya ng karanasang dapat ay nangyari kasama ang lalaking kanyang mamahalin. “I’m really sorry… Ji…”
“Why? Don’t say you’re sorry… it was nice… I want to admit I liked it, Vic…”
“But it could have been better if you’ve done it with someone…”
“Hush…” pinigilan niya ako sa aking sasabihin, “you’re special to me and I know I am also special to you.”
“But you know that it’s not the best time for me… I just don’t want you to think that I’m using you…”
“You’re not, aren’t you? I don’t think you can use people, Vic. Do you?”
“No, I don’t…”
“Then, I don’t have to worry.”
“Ji…” napabuntunghininga na lang ako at hindi na nakapagsalita pa. Lalo ko na lang hinigpitan ang pagkakayakap ko sa kanya.
Posible palang mabuo ang isang pagtitinginan kahit sa ganitong sitwasyon na nakakaramdam ako ng sakit sa dibdib. Wari ko, unti-unting naglalaho ang larawan ni Richelle sa aking kamalayan. Napapalitan ito ng pinagtagpi-tagping mga imahen ng masasayang sandali sa malamig at makahoy na lugar na ito.
Kasama na ang mga sariwang kaalamang nakukuha ko sa mga klase, kasama ang mga bagong kaibigan at kakilala, kasama na ang napakaririkit na mga tanawin. At ngayon, sa tabi ko, ang nakabibighani at napakabuting Koreanang ito na tila nagpapahiwatig ng panibagong tunguhin. May katagalan pa ang ilalagi ko sa lugar na ito.
Mahigit pang dalawang taon. At sa loob ng mga taong darating ay inaasahang kasama ko si Jihye—walang choice kumbaga. Sa nangyari ng gabing iyon, dalawa lang ang maaaring maganap: isang mas matatag na pagsasama o isang trahedya ng relasyon.